Nasa 82% na ang nagpapatuloy na konstruksyon ng kalsada na mag-uugnay sa bayan ng R.T. Lim, Zamboanga Sibugay at bayan ng Siocon, Zamboanga del Norte na pinondohan ng Asian Development Bank (ADB).
Ang naturang kalsada ay may habang 64 kilometro sa ilalim ng Growth Corridors for Mindanao Road Sector Project (IGCMRSP).
Sa pahayag ni Senior Undersecretary Emil Sadain, in-charge ng DPWH infrastructure flagship projects, ang R.T. Lim-Siocon road ay tanda ng progreso sa infrastructure development para sa “Bagong Pilipinas,” ang bumalantok na tema ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Aniya, ang naturang kalsada ay tiyak na magbibigay ng positibong epekto at magiging susi sa kaunlaran sa kanlurang bahagi ng Zamboanga Peninsula.
Sa kanyang inspection report kay Secretary Manuel Bonoan, aniya, nakumpleto na ang pagsesemento ng 22.5 na kilometro ng kalsada, habang ang konstruksyon ng anim na tulay na kinabibilangan ng Lituban, Kuyan, Mambong, Tabayo, Pisawak 2 at Tagaytay, kasali na ang pagkokonkreto ng road shoulder at lined canal ay patuloy pang ginagawa.
Layon aniya ng pagtatayo ng nasabing kalsada na maiugnay ang mga komunidad at maipunla ang inasam-asam na kaunlaran sa triple SB o Sibuco, Siocon, Sirawai at Baliguian area, at sa kanlurang bahagi ng Zamboanga Sibugay.
Ang proyekto ay bahagi pa rin ng infrastructure flagship projects ni Pangulong Marcos, sa ilalim ng kanyang “Build, Better, More” development agenda para sa minimithing Bagong Pilipinas. | ulat ni Lesty Cubol | RP Zamboanga
📸: DPWH Regional Office-9