Pinaalalahanan ng pamunuan ng Philippine National Police o PNP ang mga kampo at himpilan ng Pulisya sa iba’t ibang panig ng bansa na ipatupad ang mga umiiral na panuntunan kaugnay ng pagtitipid sa tubig.
Ito’y bilang ambag na rin ng Pambansang Pulisya sa mga ginagawang hakbang ng pamahalaan na maibsan kungdi man masawata ang epektong dulot ng El Niño sa bansa.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame ngayong umaga, sinabi ni PNP Chief P/Gen. Benjamin Acorda Jr na hindi na bago para sa kanila ang pagtitipid sa tubig lalo’t matagal na itong ipinatutupad sa mga Kampo ng Pulisya.
Bukod dito, sinabi pa ni Acorda na handa rin sila na tumulong sa mga water utility para labanan ang water pilfirage o ang jumper sa tubig.
Gayundin, sinabi ni Acorda na bukod sa El Niño, handa rin silang tumulong sa ilang mga hakbangin upang hindi na magdusa pa ang bansa sa epekto ng climate change gaya ng pagtugis sa mga illgal mining at logging na siyang nakasisira sa kalikasan. | ulat ni Jaymark Dagala