Tiniyak ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Roy Vincent Trinidad na tutugunan ng Philippine Navy sa akmang paraan ang napaulat na “interference” ng ibang bansa sa karagatang saklaw ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ang pahayag ay ginawa ni Como. Trinidad kaugnay ng sinabi ng Pangulo kahapon na nababahala siya sa lumalawak na presensya ng Peoples Liberation Army (PLA) Navy sa West Phil. Sea.
Sinegundahan naman ni Como. Trinidad ang pahayag ng Pangulo at sinabi na palaging “cause for concern” ang presensya ng mga dayuhang barko sa karagatan ng bansa na hindi naayon sa United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS).
Pinaliwanag naman ni Trinidad na ang spesipikong hakbang sa pagtugon sa mga ganitong situasyon ay nasa “operational level”, na ang magpapatupad ay ang kinauukulang Naval Operating Force o AFP Unified Command. | ulat ni Leo Sarne