Inanunsyo ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) na pasok ang lungsod ng Legazpi sa lalawigan ng Albay bilang bagong miyembro ng kanilang Global Network of Learning Cities (GNLC).
Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA), kabilang ang Legazpi sa 64 bagong miyembro ng GNLCs mula sa 35 bansa.
Samantala, ang Legazpi ang ikalawang lungsod sa bansa na nakapasok sa GNLCs matapos ang siyam na taon. Unang nakapasok ang Balanga City sa Bataan noong 2015.
Ang GNLC ay isang internasyonal na network na naglalayong pagsama-samahin ang mga lungsod na nakatuon sa pagtataguyod ng kanilang komunidad. Ilan sa naging basehan nito ay ang pagkakaroon ng magandang pamamahala ng alkalde at ng administrasyon, track records ng mga mabubuting kasanayan at mga patakaran na pangunahing kinakailangan para sa pagiging isang lungsod ng pag-aaral.
Hinihikayat ng mga miyembro ng GNLC ang pakikipagtulungan sa pagitan ng edukasyon, pagsasanay, mga institusyong pangkultura, at iba pang mga stakeholder gaya ng mga opisyal ng gobyerno, mga grupo ng civil society, at mga negosyo.
Sinusuportahan ng network ng GNLC ang pagkamit ng lahat ng 17 sustainable development goals (SDGs) ng United Nations, partikular ang SDG 4 na nananawagan para sa inklusibo at patas na kalidad ng edukasyon at nagtataguyod ng panghabambuhay na pagkakataon sa pag-aaral para sa lahat. | ulat Gary Carl Carillo | RP Albay
📷: DFA