Nagsama-sama ang mga transport coalition at tricycle operators para manawagan sa Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board na itigil muna ang pagtanggap ng aplikasyon ng mga bagong kumpanya para sa motorcycle taxi.
Sa isang pulong balitaan, hiningi ng National Public Transport Coalition, National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Philippines at iba pang asosasyon na itigil muna ang pag-accommodate sa bagong aplikante.
Sabi ni Mr. Ariel Lim, Presidente ng NACTODAP, dapat munang tapusin ang pilot study para sa mga motorcycle taxi lalo pa at ito ay nasa Kongreso na.
Apektado na daw kasi ang kabuhayan ng tricycle operators dahil sa pagdami ng mga habal-habal at mga kumpanya na ginagamit ang mga motorsiklo para pang-hanapbuhay.
Dapat daw isaalang-alang ng gobyerno ang kabuhayan ng mga tricycle, pedicab, jeepney, UV Express, taxi at iba pang transport group dahil sa bawat motorcycle taxi ay nababawasan ang kanilang mga kinikita.
Sa ngayon, may apat na kumpanya ang binigyan ng permit para sumali sa pilot study ng motorcycle taxi na kinabibilangan ng Angkas, Joyride, Move It at Grab.
Bukod sa apat na kumpanya, talamak na rin daw ang mga habal-habal na isang uri ng colorum na hindi makontrol ng LTO at LTFRB.
Kaya naman umaapela sila kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. at Speaker Martin Romualdez na agarang itigil ang planong pagpapalawak ng mga motorcycle taxi lalong-lalo na sa Metro Manila.
Nananawagan din sila na suriin at pag-usapan muna ang lahat ng datos mula sa pilot study kasama na ang mga apektadong grupo sa sektor ng transportasyon at i-regulate ang pagpaparami ng mga ito. | ulat ni Michael Rogas