Mariing pinabulaanan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasay ang kumakalat sa social media na nagsasabing kanselado umano ang klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan ngayong araw dahil sa bagyong Amang.
Ayon sa Pasay City LGU, hindi nagmula sa kanilang tanggapan ang lumabas na abiso kaya’t malinaw na hindi ito opisyal at hindi dapat kilalanin ng kahit sino.
Kasunod nito, tahasang tinawag na fake news ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang naturang pabatid, dahil wala naman silang anunsiyo hinggil sa kanselasyon ng klase ngayong araw lalo at isa na lamang low pressure area ang dating bagyo.
Giit ng alkalde, ang Facebook page ng Pasay City Public Information Office ang lehitimong naglalathala ng mga opisyal na anunsiyo at pahayag mula sa kanilang tanggapan.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga residente ng lungsod maging ang publiko na maging mapanuri sa lahat ng oras, at ugaliing bisitahin ang opisyal na social media platforms ng pamahalaang lungsod. | ulat ni Jaymark Dagala