Sinisikap na rin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. na mabigyang solusyon ang panibagong alitan sa pagitan ng mga alkalde ng Makati City at Taguig City.
May kaugnayan ito sa pagpapasara ng Makati Park and Garden.
Personal na binisita kahapon, March 4, ni Sec. Abalos ang pinag-aalitang lugar upang silipin ang sitwasyon doon.
Ayon sa kalihim, kakausapin nito sina Taguig Mayor Lani Cayetano at Makati City Mayor Abby Binay para mabigyang linaw at maresolba na ang isyung ito.
Kaugnay nito, inatasan na rin ni Sec. Abalos si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Police Major General Jose Melencio Nartatez, Jr., at Southern Police District (SPD) Chief Police Brigadier General Mark Pespes, na tiyakin ang pag-iral ng peace and order sa naturang lugar.
Magpapa-deploy rin aniya ito ng PNP platoon para magbantay ng seguridad sa lugar.
“I believe both mayors have good intentions, with the best interest of their constituencies in mind. In any case, regardless of this dispute, our overriding goal is that public services shall remain unhampered,” ani Abalos. | ulat ni Merry Ann Bastasa