Kinumpirma ng Naval Forces West ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tangkang pagharang muli ng China Coast Guard sa re-supply ship ng Pilipinas.
Ito’y sa nagpapatuloy na Rotation and Re-supply mission ng AFP sa mga tropang nakahimpil sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na bahagi ng pinagtatalunang West Philippine Sea.
Sa “X” post ng Naval Forces West sa kanilang account na may pangalang BRP Sierra Madre, makikita ang ginagawang pagharang ng barko ng China Coast Guard sa isa sa mga re-supply ship na Unaizah May.
Subalit, dahil sa ginawa nitong reverse maneuver ay matagumpay na nalusutan ng Unaizah May ang barko ng China Coast Guard upang matiyak na mahahatid nito ang kinakailangang suplay sa mga sundalo sa BRP Sierra Madre. | ulat ni Jaymark Dagala