Sinimulan na ng DSWD ang pamamahagi ng cash aid para sa mga pamilya sa Davao Oriental na naapektuhan ng trough ng low pressure area (LPA) at northeast monsoon nitong mga nakaraang buwan.
Sa unang tranche ng payout, tinatayang 2,000 pamilya mula sa bayan ng Tarragona sa Davao Oriental ang nakatanggap ng cash assistance mula sa DSWD Field Office 11.
Ito ay sa ilalim ng programang emergency cash transfer program ng ahensya kung saan ang bawat isang pamilya ay tumanggap ng tig-P9,960.
Umabot naman sa P19-M ang naipamahaging pondo ng kagawaran na first tranche pa lang ng cash aid distribution sa buong lalawigan ng Davao Oriental.
Sa tala ng DSWD, nasa 75,695 ang apektadong pamilya mula sa mga munisipalidad ng Baganga, Banaybanay, Boston, Caraga, Cateel, Governor Generoso, Lupon, Manay, Mati, at San Isidro ang inaasahang makatatanggap ng cash aid sa mga susunod na payouts na i-schedule ng DSWD ngayong Marso hanggang Abril. | ulat ni Merry Ann Bastasa