Umaasa ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na maglalabas anumang oras ng warrant of arrest ang Misamis Occidental Regional Trial Court laban sa tatlong suspek sa pagpaslang kay Juan “DJ Johnny” Jumalon noong November 5, 2023.
Sa pinakahuling update sa kaso mula kay Special Investigation Task Group Ground Commander at Misamis Occidental Provincial Police Director P/Col. Dwight Montano, inaprubahan na ni Provincial Prosecutor Dickie B. Gongob ang pagsasampa ng kasong murder at theft sa Misamis Occidental RTC matapos makakita ng matibay na basehan upang makasuhan ang mga suspek.
Sinabi naman ni PTFoMS Undersecretary Paul Gutierrez, upang mas mapalakas ang pagtugis sa mga suspek ay nag-imprenta ng 70,000 piraso ng wanted flyers ng mga suspek sa tulong ng Apo Production Unit.
40,000 piraso ng flyers ay ipinadala sa tanggapan ni Montano sa Oroquieta City para sa pagpapakalat sa Misamnis Occidental at mga karatig na lugar.
Nalaman din kay Gutierrez na tutulong ang Philippine Ports Authority (PPA) sa pagpapakalat ng natitirang 30,000 piraso ng wanted flyers na ilalagay ng PPA sa mga pantalan sa buong bansa lalo na sa Mindanao.
Sina alyas “Ricky” Inteng” at “Boboy” ang mga suspek sa krimen na tiniyak ni Gutierrez na ihahayag ang buong pagkatao sa oras na maglabas ng warrant of arrest ang korte. | ulat ni Michael Rogas