Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Davao Region ang pamimigay ng emergency cash transfer sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha, na dulot ng shearline at low pressure area noong Enero.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, nagsimula na ang payout noong March 4 sa bayan ng Tarragona sa Davao, kung saan pinangunahan ng DSWD Davao Field Office ang pagbibigay ng emergency cash transfer.
Magsasagawa din ang Davao Field Office ng serye ng payout sa mahigit 145,000 pamilya na apektado ng kalamidad sa buong rehiyon ng Davao.
Inihayag din ni Lopez, na naglaan ng mahigit sa P1.4 billion ang ahensya para sa emergency cash aid na ipamamahagi sa mga apektadong pamilya sa Davao del Norte at Davao Oriental.
Ang bawat benepisyaryo ay makatatanggap ng P9,960 na cash aid upang makatulong na sila ay makarekober mula sa kalamidad na nakaapekto sa kanilang mga kabuhayan. | ulat ni Diane Lear