Nilagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng mga project implementer ng Handa Pilipinas: Innovation in Disaster Risk Reduction and Management Exposition Luzon Leg ngayong araw, Marso 07, 2024 sa DOST Region 1 Multi-Purpose Hall, San Fernando City, La Union.
Pinangunahan ito ng Department of Science and Technology (DOST) Region 1 katuwang ang Philippine Chamber of Commerce and Industry; Department of Education, Mines and Geosciences Bureau; Department of the Interior and Local Government; Office of Civil Defense; Department of Information and Communications Technology; Commission on Higher Education; at Philippine Information Agency.
Sa welcome remarks ni DOST Region 1 Regional Director Dr. Teresita A. Tabaog ay inihayag nito ang layunin ng Handa Pilipinas na mapalakas ang kaalaman ng stakeholders sa mga teknolohiya na magagamit sa Disaster Risk Reduction Management Offices para sa pag-iwas at pagharap sa mga sakuna.
Alinsunod ito sa nais ni DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr. na sa pamamagitan ng siyensiya, teknolohiya at inobasiyon sa ilalim ng Handa Pilipinas sa Bagong Pilipinas, ay makakayanan ng mga Pilipino ang mga sakunang mararanasan.
Naaayon din ito sa layunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na paggamit sa siyensiya at inobasiyon sa disaster management.
Nakatakdang isagawa ang Handa Pilipinas sa Bagong Pilipinas Exposition Luzon Leg sa Hunyo 19-21, 2024 sa Plaza Del Norte, Paoay, Ilocos Norte na inaasahang dadaluhan ni Pangulong Marcos Jr. | ulat ni Glenda B. Sarac, RP1 Agoo