Nakumpleto na ng Department of Public Works and Highways Region-9 (DPWH-9) ang konstruksyon ng tatlong road concreting projects sa Lalawigan ng Zamboanga del Norte.
Ito ay ang pag kongkreto ng farm-to-market road (FMR) sa Barangay Lapatan, access road sa Barangay Immaculada sa Bayan ng Labason, at ang road concreting ng FMR sa Barangay Panabang sa Bayan ng Liloy, Zamboanga del Norte.
Ayon kay Engr. Cayamombao Dia, Regional Director ng DPWH-9, ang 688 linear meters na FMR sa Barangay Lapatan ay nagkakahalaga ng P12.9 million.
Habang ang 445 linear meters na access road sa Barangay Immaculada ay nagkakahalaga ng P9.9 million.
Ang 785 linear meters naman na FMR sa Barangay Panabang sa bayan ng Liloy ay nagkakahalaga P11.8 million.
Ayon kay Director Dia, ang implementasyon ng naturang mga proyekto ay pinangasiwaan ng DPWH-Zamboanga del Norte Third District Engineering Office.
Aniya, layon ng pagpapatupad ng nasabing mga proyekto na mabigyan ng maginhawang biyahe ang mga residente, at mapadali rin ang paghahatid ng kanilang mga produktong agrikultural sa mga trading center ng probinsya.
Ang naturang mga proyekto ay bahagi pa rin ng infrastructure flagship projects ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa ilalim ng kanyang “Build, Better, More” Development Agenda para sa minimithing Bagong Pilipinas. |ulat ni Lesty Cubol, Radyo Pilipinas Zamboanga
📸 DPWH Regional Office-9