Nagtatrabaho ang sindikato sa loob ng PNP para umupo bilang susunod na PNP Chief ang opisyal na makakasiguro ng kanilang “survival”.
Ito ang babala ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. sa pulong balitaan sa Camp Crame, kung saan kaniyang ipinaliwanag na walang tangkang cover-up sa imbestigasyon sa narekober na 990 kilo ng shabu kay P/Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr.
Ayon sa PNP Chief, itong mga naglabasang alegasyon laban sa ilang matataas na opisyal ng PNP at maging sa kanya, ay bahagi ng pagkilos ng sindikato sa tangkang sirain ang imbestigasyon.
Sinabi ni Gen. Azurin na ipinaliwanag na niya ang kanyang panig sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bago pa man humarap sa media ngayong umaga.
Sinabi ni Azurin na sana ang susunod na mapiling PNP Chief ng Pangulo ay kasing determinado niya na sugpuin ang sindikato sa loob ng PNP, at hindi papayag na maging “business as usual” ang sindikato. | ulat ni Leo Sarne