Iniimbestigahan ng Philippine National Police ang posibilidad na nakapasok sa bansa ang mga foreign drug syndicate na naka-base sa South America.
Ito inihayag ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo kaugnay ng pagkakasabat noong Biyernes ng 20 bloke ng cocaine sa Eastern Samar, na pangatlong major cocaine recovery na simula pa noong 2009.
Ayon kay Col. Fajardo, bagama’t hindi pa nila tukoy kung saan galing at saan patungo ang cocaine shipment, malamang aniya na ito ay mula sa South America, at maaring ginagamit na “transshipment point” ang Pilipinas.
Ibig sabihin, hindi umano ito para sa “local distribution” dahil maliit lang ang market ng cocaine sa bansa at shabu pa rin ang numero unong droga sa Pilipinas.
Paliwanag ni Fajardo, dahil sa malalaking bloke ng mga cocaine ang nasabat, mas pinaigting ng PNP sa pangunguna ng kanilang Maritime Group, sa tulong ng PDEA, PCG, at Philippine Navy ang pagbabantay sa municipal waters ng bansa.
Paiigtingin din aniya ng PNP ang “international cooperation” sa kanilang foreign counterparts para maiwasan ang smuggling ng iligal na droga. | ulat ni Leo Sarne