Nanawagan si Kabayan party-list Rep. Ron Salo sa pamahalaan na aralin at ikonsidera na alisin na ang ipinataw na deployment ban sa Kuwait.
Ayon sa mambabatas, magdudulot lamang ito ng epekto sa ekonomiya at diplomatic relations sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait kung patatagalin pa.
Ang deployment ban ay itinalaga noong February 2023 dahil sa pagkamatay ni Jullebee Ranara.
Sabi ni Salo, batay sa kanilang pag-uusap ng Kuwaiti ambassador, nagbabala ito na kung magpapatuloy ang deployment ban ay posibleng mawalan na ng oportunidad ng trabaho ang mga Pilipino sa Kuwait.
Ilan kasi aniya sa mga employer ang naghahanap na ng ibang nasyonalidad para magtrabaho para sa kanila.
Sabi pa ni Salo, nagpatupad ng deployment ban bilang proteksyon sa kaligtasan at kapakanan ng ating mga OFW ngunit kailang din aniya itong balansehin sa oportunidad ng trabaho.
Dagdag pa niya, ang mabilis na pag-resolba sa kaso nina Ranara, Joanna Demafelis at Jeanelyn Villavende ay nagpapakita na gumagana naman at kumikilos ang justice system sa Kuwait.
“The tragic death of an OFW at the hands of her employer’s son is condemnable, and rightly so, the whole nation was outraged. But the quest for justice for her death, which we already secured in nine months, should not imperil our diplomatic relations and the welfare of 272,000 Filipinos working in Kuwait, and should not deny countless of our kababayans the employment opportunities awaiting for them in Kuwait,” ani Salo.
Nakatakdang magtungo sa Kuwait ang isang congressional delegation sa pangunguna ni Salo sa April 20 hanggang 23 para tumulong sa negosasyon na maalis na ang deployment ban. | ulat ni Kathleen Jean Forbes