Nilagdaan na ni National Economic and Development AUthority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma, at Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ceferino Rodolfo ang Implementing Rules and Regulations ng ‘Trabaho Para sa Bayan’ Act ngayong hapon.
Layon ng naturang batas na maisulong ang employability, competitiveness, at productivity ng mga manggagawa, gayundin na matugunan ang unemployment, underemployment, at iba pang mga hamon sa labor market.
Sa ceremonial signing, binigyang diin ni Secretary Balisacan na ang paglikha ng mga kalidad na trabaho ang isa sa mga prayoridad ng Marcos Administration.
Aniya, upang maabot ang target na single digit poverty level incidence sa 2028 ay kailangan mapanatili ang paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho para sa mga Pilipino.
Ikinatuwa naman ng kalihim ang patuloy na pagbuti ng unemployment rate sa bansa sa gitna ng mga hamon.
Ang susunod naman aniyang gagawin ang ‘Trabaho Para sa Bayan Plan’ na magsisilbing master plan ng bansa para makalikha ng mas maraming kalidad na mga trabaho.
Hinikayat din ni Balisacan ang lahat stakeholders na lumahok sa mga gagawing konsultasyon para sa Trabaho Para sa Bayan Plan.
Nagpasalamat naman si Balisacan sa Kongreso sa pagpasa ng naturang batas para sa mga Pilipino, gayundin din sa mga katuwang nitong ahensya ang DOLE at DTI. | ulat ni Diane Lear