Inihayag ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief Police Colonel Jean Fajardo na nirerespeto ng Pambansang Pulisya ang naging desisyon ng korte sa lalawigan ng Quezon na palayain ang film director na si Jade Castro at tatlong iba pa.
Ito’y matapos katigan ng Catanauan Regional Trial Court Branch 96 ang inihaing Motion to Quash ng kampo ni Castro at ng tatlong kapwa akusado nito.
Sina Castro ay inaresto ng mga tauhan ng Mulanay Municipal Poice Station noong January 31 dahil sa umano’y panununog ng mga ito sa isang modern jeepney sa Barangay Dahican sa bayan ng Catanauan.
Ayon kay Colonel Fajardo, dahil partially granted ang iginawad ng korte sa inihaing mosyon nila Castro, hindi ito nangangahulugang absuwelto na sila sa kasong arson.
Paliwanag ni Fajardo, binibigyan pa ng pagkakataon ng korte ang mga pulis na muling maghain ng kaso at patunayan ang pagkakasangkot dito nila Castro batay sa mga makakalap nilang ebidensya.
Una rito, nanindigan si Police Regional Office 4A Director, Police Brigadier General Kenneth Lucas na may ligal na batayan ang ginawang pag-aresto kina Castro at pinag-aaralan na kung maghahain sila ng Motion for Reconsideration sa parehong korte. | ulat ni Leo Sarne