Ipinagtanggol ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. si dating PNP Drug Enforcement Group (PDEG) Director Police Brigadier General Narciso Domingo sa kanyang pagkakadawit sa maanomalyang operasyon kung saan narekober ang 990 kilo ng shabu.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Gen. Azurin, inilagay niya sa PDEG si Domingo dahil kilala niya ito bilang malinis na opisyal na walang kuagnayan sa ilegal na droga.
Si Domingo pa nga aniya ang unang nagsumbong sa kanya tungkol sa posibleng pagnanakaw ng mga tauhan ng PDEG ng 30 kilo ng shabu na kinalaunan ay lumabas na 42 kilo, mula sa narekober na droga.
Bagamat inirekomenda ng Special Investigation Task Group na kasuhan si Domingo ng grave neglect of duty at incompetence dahil sa hindi napigilan ang maling gawain ng kanyang mga tauhan, sinabi ni Gen. Azurin na kumpiyansa siya na kayang sagutin ng mga inosenteng opisyal ang mga kaso laban sa kanila. | ulat ni Leo Sarne