Sinaluduhan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. ang mga responder ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa mabilis na pag-aksyon at pag-apula sa sumiklab na sunog sa main wing ng Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila kahapon.
Ayon sa kalihim, dahil sa mabilis na responde ng mga tauhan ng BFP, hindi na kumalat pa ang sunog at naideklara agad itong kontrolado makalipas ang 45-minuto.
Nasa kabuuang 13 firetrucks at isang ambulansya ang idineploy ng BFP para maapula ang sunog sa ospital.
“I would like to commend the Bureau of Fire Protection (BFP) personnel for their swift action on the fire that broke out at the main wing of the Philippine General Hospital in Manila.”
Sinasabing nagmula ang sunog sa Wards 1 at 3 ng pagamutan na nagresulta sa pag-evacuate ng mga pasyente, doktor, nurse, at iba pang kawani.
Una na ring tiniyak ng Department of Health (DOH) na handa ang mga ospital sa Metro Manila na tanggapin ang mga pasyenteng naapektuhan ng sunog sa Philippine General Hospital (PGH).
Kasunod naman nito, nagpaalala ang UP-PGH sa publiko na wala ito sa ngayong inoorganisang donation call para sa PGH at anumang inisyatibo para sa donasyon ay hindi opisyal na nagmula sa ospital. | ulat ni Merry Ann Bastasa