Nananatiling matatag ang presyuhan ng asukal sa Marikina Public Market sa kabila na rin ng bilyong pisong pinsalang naitala sa mga taniman ng tubo bunsod ng El Niño.
Sa pagbabantay ng Radyo Pilipinas sa presyuhan ng asukal sa Marikina City Public Market, nananatili sa ₱90 hanggang ₱92 ang presyo sa kada kilo ng puting asukal.
Habang nasa ₱90 ang kada kilo ng brown sugar o Terciera at nasa ₱80 naman ang presyo sa kada kilo ng washed sugar o Segunda.
Ayon sa United Sugar Producers Federation (UNIFED), nagkakabitak-bitak na ang taniman ng tubo dahil sa matinding init ng panahon.
Kaya naman ang ilang mga nagtatanim nito, maaga nang nagpapagiling kahit sa Mayo at Hunyo pa ang milling season para rito.
Samantala, maliban sa asukal ay patok din ang iba pang sangkap para sa mga palamig ngayong ramdam na ang mainit na panahon.
Kabilang sa mga mabenta rin ay ang gulaman na nasa ₱2 kada piraso, sago na nasa ₱10 kada takal at nata de coco na nasa ₱60 kada kilo. | ulat ni Jaymark Dagala