Napigilan ng 2nd Infantry Division (2ID) ng Philippine Army ang potensyal na teroristang pag-atake ng New People’s Army sa pagkakadiskubre ng kanilang naka-imbak na armas at pampasabog sa General Nakar, Quezon.
Sa ulat ni Lt. Col. Hector Estolas, tagapagsalita ng 2ID, nagsasagawa ng focused military operation ang mga tropa ng 1st Infantry “Always First” Battalion sa Sitio Anibongan sa Brgy. Magsikap noong nakaraang Sabado nang madiskubre nila ang nakabaong gamit pandigma ng mga teroristang komunista.
Narekober ng mga tropa ang isang shotgun, isang anti-tank explosive, apat na anti-personnel mines, dalawang hand grenade, at blasting cap.
Nanawagan naman si 2ID Commander Maj. Gen. Roberto S. Capulong sa mga lokal na komunidad na patuloy na suportahan ang kampanya laban sa NPA sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon tungkol sa aktibidad ng teroristang grupo sa kanilang lokalidad. | ulat ni Leo Sarne
📷: 2ID