Ilang araw nang nararamdaman ang mataas na temperatura gayundin ang heat index o alinsangan sa katawan sa bahagi ng Virac, Catanduanes.
Batay sa heat index monitoring ng PAGASA, pumalo hanggang sa 47°C at 44°C ang heat index sa lugar nitong weekend na pinakamataas na nai-record sa bansa sa nakalipas na linggo.
Pasok ito sa danger category kung saan maaaring mauwi sa heat cramps at heat exhaustion ang matagal na exposure sa araw ng isang indibidwal.
Ayon pa sa PAGASA, posibleng magpatuloy pa ang mataas na heat index sa lugar hanggang sa Martes.
Ngayong araw posible namang umabot sa 43°C ang alinsangan sa Virac habang nasa 46°C ang tantyang heat index dito sa Martes.
Bukod sa naturang lugar, asahan din ang hanggang 40°C na heat index sa Dagupan City sa Pangasinan, San Jose, Occidental Mindoro, at sa Puerto Princesa at Aborlan, Palawan.
Samantala, nasa 33°C ang tantyang heat index sa Science Garden, Quezon City sa Metro Manila. | ulat ni Merry Ann Bastasa