Pinapayuhan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na huwag real time ang gawing pagpo-post ng bakasyon sa social media.
Pahayag ito ni Police Col. Jean Fajardo sa gitna ng ginagawang paghahanda ng pamahalaan sa pagsisiguro ng kaligtasan ng mga biyahero sa Semana Santa.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na nakaabang lamang ang mga kawatan, at naghahanap ng tiyempo na makagawa ng krimen.
“Hindi maiiwasan na may mga kawatan na humahanap ng tiyempo para makasalisi. Para sa mga iiwanan ang tahanan, siguraduhin na nakakandado ang mga pinto at bintana, at huwag mag-iwan ng mahahalagang gamit sa labas ng kanilang bahay, at even sa garahe.” – Col. Fajardo.
Kaya’t makakatulong aniya ang hindi pag-broadcast sa social media na sila ay nasa bakasyon, at walang tao sa kanilang bahay.
King hindi naman maiwasan na mag-post sa social media, mas mainam aniya na i-post na lamang ang mga larawan sa oras na makabalik na sa kanilang tahanan.
“Kung kaya niyo rin naman ipagpaalam sa pinagkakatiwalaan kamag-anak at kapitbahay, pwede rin naman nating gawin. At kung kaya ng budget, pwede kayong maglagay ng anti-theft devices at CCTV camera sa mga bahay, para from time to time, mamo-monitor niyo ang paligid ng inyong bahay.” – Col. Pajardo. | ulat ni Racquel Bayan