Mahigit sa P870 million halaga ng humanitarian aid ang naibigay na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol sa Mindanao at weather disturbances sa Visayas.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, nakapag-abot ng financial aid ang Visayas at Mindanao field offices ng halagang P578 million mula sa Emergency Cash Transfer (ECT) at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) para sa may 150,356 disaster-affected families.
Dagdag pa ni Lopez, ang response effort ng ahensya sa mga disaster-hit region ay sinimulan noong huling quarter ng 2023.
Sa Northern Samar, nakapagbigay ang ahensya ng P540 million halaga ng humanitarian aid sa mga pamilyang naapektuhan ng sama ng panahon o shear line at low pressure area, matapos na tamaan nito ang Visayas region noong nakaraang Nobyembre 2023.
Para naman sa mga pamilyang tinamaan ng magnitude 6.8 earthquake sa Sarangani Province noong Nobyembre 2023, nakapagbigay din ang DSWD ng 36,110 family food packs; 3,825 non-food items; at financial assistance na nagkakahalaga ng P113 million para sa 13,583 recipients.
Ang nasabing tulong ay may kabuuang halagang P145 million.
Samantala sa Surigao del Sur sa Caraga Region, nakapagbigay ang DSWD ng P184 million sa 6,691 beneficiaries na nakaranas ng magnitude 7.4 earthquake noong Disyembre 2023, kabilang na dito ang 168,772 FFPs; 37 non-food items at financial assistance na nagkakahalaga ng P70 million. | ulat ni Rey Ferrer