Mas mabilis na ang pagtukoy ng mga suspek ng Quezon City Police District (QCPD) sa bago nitong tech innovation na gumagamit ng facial recognition system.
Ito ang tampok sa bagong Unified Intelligence and Investigation Center (UIIC) ng QCPD kung saan sa loob ng ilang segundo ay malalaman na kung may criminal record at pending warrant of arrrest ang isang suspek.
Ayon kay QCPD Chief Police Brigadier General Red Maranan, kauna-unahan ito sa buong bansa.
Nasimulan na aniya nila ang field test ng sistema noong nakaraang buwan at nakitang epektibo ito para sa mabilis na pagproseso ng mga kasong idinudulog sa QCPD.
Gumagana ito sa pamamagitan ng pagkuha ng larawan sa cellphone ng isang nahuling suspek, ipapadala ang litrato sa Viber group ng QCPD Cyberpatroller Group at saka ito idadaan sa sistema kung saan lalabas kung may warrant of arrest o criminal record ang suspek.
Punto ni Gen. Maranan, sa pamamagitan nito, hindi na makakapanlinlang pa ang mga kriminal kahit gumamit pa sila ng ibang pangalan sa krimen. | ulat ni Merry Ann Bastasa