Hindi bababa sa apat na kabahayan ang nasunog sa bahagi ng C. Raymundo Avenue sa Barangay Maybunga sa Lungsod ng Pasig.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection – Pasig, sumiklab ang sunog dakong alas-4:45 ng umaga na umakyat lamang sa unang alarma at naapula rin ganap na alas-5:21 ng umaga.
Tinatayang nasa apat hanggang sa walong pamilya ang apektado ng nasabing sunog.
Bagaman iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog, nabatid sa inisyal na imbestigasyon na posibleng sa naiwang niluluto nagmula ang apoy.
Mabuti na lamang at agad nakaresponde ang mga operatiba ng BFP sa lugar lalo’t may mga kalapit na karinderya ang mga bahay na nasunog.
Hindi naman nadamay ang mga karinderiya subalit bahagyang nadamay naman ang isang tooling company na scale manufacturer ng mga piyesa.
Wala namang nasawi o nasugatan sa sunog habang inaalam pa ang pinsalang idinulot nito. | ulat ni Jaymark Dagala