Bumaba pa ang presyo ng ilang produktong agrikultural sa Pasig City Mega Market.
Sa pag-iikot ng Radyo Pilipinas, nasa P20 hanggang P25 ang ibinaba ng presyo sa kada kilo ng bangus na ngayo’y nasa P150 na lamang
Bumaba naman sa P80 ang kada kilo ng pulang sibuyas habang nasa P60 ang kada kilo ng puting sibuyas maging ang kamatis na nasa P50 ang kada kilo.
Bumaba rin ng P10 ang presyo sa kada kilo ng kalamansi na ngayo’y nasa P50 hanggang P60 ang kada kilo depende sa laki.
Subalit sa asukal, bagaman may bahagyang pagbaba noong isang buwan ay bumalik na sa dati ang presyo nito kung saan P80 ang kada kilo ng white at brown sugar habang nasa P65 hanggang P70 naman ang kada kilo ng washed sugar.
Nananatili naman sa P48 hanggang P49 ang kada kilo ng well-milled rice habang tumaas naman sa P380 ang kada kilo ngayon ng liempo.
Ang mga ito ay pasok sa naging ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) hinggil sa paggalaw ng presyo ng ilang agricultural products ngayong buwan. | ulat ni Jaymark Dagala