Patuloy na hinihikayat ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang Department of Justice (DOJ) at ang lahat ng mga law enforcement agencies ng bansa na gawin ang lahat ng hakbang para mapanagot ang mga suspek sa pamamaslang kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo at iba pang indibidwal.
Ito ay matapos na maaresto sa East Timor si dating Representative Arnie Teves, na itinuturong mastermind sa kaso.
Para kay Villanueva, maituturing na malaking hakbang ang development na ito sa pagbibigay ng hustisya sa mga nasawi.
Matatandaang noong March 4, 2023 napaslang si Degamo at ilan pang mga indibidwal habang nagkakaroon ng pamamahagi ng ayuda sa tahanan ng dating gobernador sa bayan ng Pamplona.
Sa ngayon ay inaayos na ng pamahalaan ng Pilipinas ang extradition o pagpapauwi sa bansa kay Teves.
Oras na makauwi, kakaharapin nito ang mga kasong murder, frustrated murder, at attempted murder. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion