Tatlong libong residente ng Agusan del Norte ang nakabenepisyo sa pagdating ng Cash and Rice Distribution Program (CARD) sa lalawigan kasabay ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair.
Ang bawat benepisyaryo na pawang kabilang sa vulnerable sector gaya ng senior citizen, solo parent at indigenous people ay nakatanggap ng P3,000 mula sa AICS ng DSWD.
Ang P1,000 dito ay pambili ng 25 kilo ng bigas at ang P2,000 ay para sa iba pang pangangailangan.
Nagbenta rin ng bigas sa halagang P40 kada kilo para makabili rin ang iba pang dumalo.
Ang CARD program ay tugon sa hamon ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkaroon ng murang bigas para sa mga Pilipino.
At malabanan ang mga hoarder at nagmamanipula ng presyo.
“Sa programa po na CARD, tinutugunan po ng pamahalaan ang naisin ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos na walang magugutom, at ang presyo ng mga pangunahing bilihin ay palaging abot-kamay ng karaniwang tao,” ayon kay Speaker Romualdez.
Personal itong dinaluhan nina Speaker Martin Romualdez na siyang nanguna sa pamamahagi ng bigas, kasama sina Sen. Bong Revilla, Agusan del Norte Rep. Jose “Joboy” S. Aquino, at higit animnapung miyembro ng Kamara.| ulat ni Kathleen Forbes