Tumaas na ang presyo ng palaspas isang araw bago ang Palm Sunday o Linggo ng Palaspas bukas.
Ngayon pa lang, puspusan na ang pamilya Morales sa paggawa ng palaspas sa gilid ng Sacred Heart Parish sa Kamuning, Quezon City.
Ayon kay Lorena Morales, mahigit 20 taon nang gumagawa ng palaspas ang kanilang pamilya tuwing sasapit ang Semana Santa.
Aniya, mataas na ang kuha ng mga ito ng dahon ng niyog, kaya’t nasa ₱40-hanggang ₱50 ang presyo ng bentahan sa bawat piraso ng palaspas na dati ay nasa ₱25 lang.
₱25 naman kung maramihan o pakyawan ang benta sa mga vendor na nagtitinda din nito.
Bukas, gugunitain ang Linggo ng Palaspas ng simbahang katoliko, ang ika-anim at huling linggo ng Kuwaresma bago ang Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo.
Sa araw na ito ay ginugunita ng mga kristiyano ang pagpasok ng Panginoon sa Herusalem bago ang kanyang kalbaryo, o hudyat ng pagsisimula ng Mahal na Araw. | ulat ni Rey Ferrer