Inihayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairperson Atty. Romando Artes na kanilang papayagan ang road digging sa buong Metro Manila ngayong panahon ng Semana Santa.
Ginawa ni Artes ang pahayag matapos ang isinagawang inspeksyon sa PITX kasama ang ilang opisyal ng pamahalaan ngayong araw.
Ayon kay Artes, simula sa Miyerkules, March 27 alas-11 ng gabi hanggang Lunes, April 1 ng alas-5 ng umaga, papayagan ng MMDA ang road digging habang wala sa National Capital Region para sa paggunita ng Semana Santa ang halos karamihan sa ating mga kababayan, na nagsiuwian sa kanilang mga probinsya.
Aniya, mas mabuti na gawin ito ngayong Semana Santa sa halip na maghukay sa mga regular na araw na makakaabala sa trapiko sa kalsada.
Ani Artes, magpo-post na sila sa kanilang website ngayong araw para sa aplikasyon ng 100 road digging at kanila itong papayagan ngayong panahon ng Semana Santa.
Sinabi ni Artes nakipag-ugnayan na aniya ang MMDA sa iba’t ibang ahensya tulad ng Department of Information and Communication Technology, Department of Public Works and Highways, at Metropolitan Waterworks and Sewerage System para magawa na ang kanilang proyekto. | ulat ni Diane Lear