Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development ang pagbibigay ng livelihood assistance settlement grants sa may 3,000 pamilyang naapektuhan noon ni bagyong Egay sa Ilocos Sur.
Ayon kay Assistant Secretary for Disaster Response Management Group Irene Dumlao, ginanap ang ceremonial payout ng P4.8 milyong halaga ng livelihood grants sa St. Joseph Institute Gymnasium ng lalawigan.
Sinabi ni Dumlao, may 484 pamilya ang unang nabigyan ng benepisyo.
Aniya, bahagi ng disaster response ng DSWD ay tiyakin ang pangangailangan ng apektadong populasyon na ang kabuhayan ay naapektuhan.
Ang bigay na tulong pangkabuhayan ay inaasahang makatulong sa mga apektadong pamilya sa kanilang long-term recovery at rehabilitation.
Sabi pa ni Dumlao, ito ay unang bugso pa lamang ng pamamahagi ng tulong. Ang ibang payout activities ay isasagawa ng DSWD sa Abril upang makumpleto ang target na 3,000 mahihirap na pamilya. | ulat ni Rey Ferrer