Binati ng ilan sa mga mambabatas si Police General Rommel Marbil sa pagkakatalaga nito bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP).
Ayon kay House Minority Leader Marcelino Libanan, ang pagsisikap at dedikasyon ni Marbil sa paglilingkod sa bayan ay magsisilbing inspirasyon sa lahat ng mga kawani ng PNP.
Umaasa ang dating Eastern Samar solon at ngayon ay 4Ps Party-list representative, na patuloy na ipapamalas ni Marbil ang integridad, katapatan, kahusayan, at patas na pagtrato sa lahat sa kaniyang bagong tungkulin.
Minsan nang nagsilbi si Marbil bilang dating regional director ng Eastern Visayas na sumasakop sa Samar, Leyte, at Biliran.
Welcome din para kay Iloilo City Representative Julienne Baronda ang pagiging ika-30 PNP Chief ni Marbil.
Aniya makakaasa siya ng suporta mula sa mga mambabatas para maipatupad ang mga inisyatiba upang lubos na mapagsilbihan at maprotektahan ng Pambansang Pulisya ang mga Pilipino.
Binati rin ni Deputy Majority Leader at TGP Party-list Representative Jose “Bong” Teves si Marbil sa bago nitong papel.
Si Teves at Marbil ay kapwa miyembro ng fraternity group na Tau Gamma Phi. | ulat ni Kathleen Jean Forbes