Bilang tugon sa matinding init ng panahon, nagpatupad na rin ang Navotas Schools Division Office ng adjusted class schedules para sa mga pampublikong eskwelahan sa lungsod.
Ito ay kaugnay sa forecasted heat index ng PAGASA sa Metro Manila na 40 degrees pataas ngayong tag-init.
Ayon sa abiso ng Navotas SDO, pinauwi na ng alas-10 ng umaga ang morning class habang magsisimula naman ng alas-2 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi ang afternoon session para sa elementary level at 2pm hanggang 7pm naman sa high school level.
Paliwanag ng Navotas SDO, walang papapasukin sa mga eskwelahan mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas- 2:00 ng hapon dahil ito ang tinukoy ng PAGASA na mga kritikal na oras o peak ng pinakamataas na heat index.
Dahil dito, ang mga nalalabing oras sa kanilang daily class schedules ay ilalaan sa asynchronous activities.
Para naman sa mga pribadong eskwelahan, nasa pagpapasya ng school administrators ang pagbabago ng kanilang class schedules. | ulat ni Merry Ann Bastasa