Tuloy-tuloy ang paghahatid ng tulong ng Department of Agriculture sa mga magsasakang apektado ng matinding tagtuyot.
Ayon sa DA, nakapaglabas na rin ang Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC) ng inisyal na P80 milyong credit funding para sa mga magsasakang tinamaan ng El Niño sa Oriental Mindoro.
Kasama sa makikinabang rito ang mga magsasaka sa Bulalacao at Mansalay na kamakailan lang ay isinailalim sa state of calamity dahil sa El Niño.
Sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) Assistance Program, maaaring humiram ng hanggang P25,000 loan ang mga maliliit na magsasaka na walang interes, collateral, at maaaring bayaran sa loob ng tatlong taon.
Bukod sa loans, una na ring nagkaloob ang DA ng cash assistance, binhi ng palay, corn, assorted vegetables, at fuel assistance sa mga magsasakang apektado ng El Niño. | ulat ni Merry Ann Bastasa