Kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) ang pagkakahuli ng dalawang magkapatid na fixer na nambibiktima sa Central Office nito sa Quezon City.
Kinilala ang magkapatid na suspek na sina Teresita dela Cruz, 58; at Kathleen Joy dela Cruz na naaresto sa isang joint entrapment operations na ikinasa ng mga tauhan ng LTO, QCPD at Special Project Group ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kahapon, April 1.
Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng isang motoristang pinangakuan ng mabilis na transaksyon ng kanyang non-professional driver’s license sa halagang P6,800. Hindi pa nakuntento, at muli umanong hiningan ang biktima ng P1,350 ng dalawang fixer kaya nagsumbong na ito sa mga awtoridad.
Kasalukuyang nakadetine ang mga suspek sa QCPD Station 10 sa Kamuning at nahaharap sa patong-patong na kaso kabilang ang estafa.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pagkakaaresto sa dalawang fixer ay patunay lang ng agresibong kampanya ng ahensya laban sa anumang panloloko sa mga motorista.
Kasunod nito, muli namang nagpaaalala ang LTO Chief sa publiko na ‘wag makikipagtransaksyon sa mga fixer pati na scammers online.
“We would like to remind the public again that our transaction in the LTO is already fast. So please do not be fooled by the sweet words of these fixers. Walang maloloko, kung walang magpapaloko,” Asec. Mendoza. | ulat ni Merry Ann Bastasa