Hindi na kailangan na magdeklara ng panibagong giyera kontra sa iligal na droga.
Ito ang inihayag ng bagong-upong Philippine National Police (PNP) Chief, General Rommel Francisco Marbil matapos ang kanyang unang Command Conference kahapon sa Camp Crame.
Ayon kay Police Gen. Marbil, bahagi na talaga ng trabaho ng mga pulis ang puksain ang iligal na droga.
Pero hindi aniya siya mag-uutos na magparamihan ng huli at nakumpiskang droga.
Kailangan lang aniyang gawin ng mga pulis ang kanilang trabaho para makamit ang target na 100 percent drug-free community.
Mahalaga aniya ito para mapababa ang krimen, na isa sa mga pokus sa ilalim ng kanyang pamumuno. | ulat ni Leo Sarne