CSC, nilinaw na walang data breach sa kanilang sistema
Nilinaw ngayon ng Philippine Civil Service Commission (CSC) na hindi apektado ng anumang breach o attack ang kanilang sistema at database.
Ginawa ng CSC ang pahayag kasunod ng napaulat at bineberipika nang umano’y massive data breach sa ilang ahensya ng pamahalaan.
Ayon sa CSC, nakatanggap na ito ng kumpirmasyon sa Department of Information and Communications Technology (DICT) National Computer Emergency Response Team (NCERT), na ligtas sa anumang data breach ang hawak na data ng CSC Integrated Records Management Office.
Sinabi pa ng CSC, na batid nito bilang central personnel agency ng pamahalaan na sensitibo ang mga impormasyong kanilang pinangangalagaan kabilang ang personal information ng bawat opisyal at kawani sa pamahalaan, at appointment records ng iba’t ibang ahensya.
Kaya naman, mahigpit nitong tinututukan ang kanilang IT system, at may cybersecurity infrastructure para protektahan ang mga datos laban cyber attacks, gaya ng identity theft at phishing scams.
“Rest assured that the CSC takes this matter seriously and with utmost urgency, and will cooperate with the DICT and other relevant government agencies to investigate this report. The CSC remains committed to protecting personal data and upholding privacy rights while promoting IT awareness and maximizing technology in the workplace.” | ulat ni Merry Ann Bastasa