Iniutos na ni Valenzuela Mayor Wes Gatchalian ang crackdown laban sa mga ospital na walang malasakit sa mga pasyente at nagkukulong sa mga ito o kaanak dahil sa hindi mabayarang hospital bills.
Sa pulong balitaan sa Valenzuela City Hall, humarap ang dalawang biktima na nagreklamo laban sa mga empleyado ng ACE Medical Center na hindi umano sila pinayagang makalabas hanggat hindi nababayaran ang bill nang ma-admit ang kanilang kaanak noong Pebrero.
Sa kwento ng isa sa complainant na si Richel Mae Alvaro, dahil sa hospital bill ng asawa na umabot sa higit kalahating milyon, hindi siya pinalabas ng ospital kahit para bumili ng pagkain at bantay sarado pa ng security guards ng halos tatlong araw.
Dagdag pa ng mga biktima, tumanggi rin ang ospital na ilabas ang death certificates ng kanilang kaanak hanggat hindi pa bayad ng buo ang bill.
Ikinalungkot naman ni Mayor Gatchalian ang insidenteng ito dahil sa umano’y kalunos-lunos na pagtrato ng mga kawani ng ACE Medical Center sa complainants.
Tila lumalabas rin aniyang nakasanayan na ng ospital ang modus na ito dahil tila may proseso na ito kapag may isang pasyente ang hindi nakakabayad ng bill.
Kinastigo rin ng alkalde ang security personnel ng ospital dahil tila nagsilbi aniyang goons ang mga ito ng ospital.
Dahil dito, tiniyak ng alkalde na nakatutok na ito sa kaso at binigyan na rin ng libreng legal service ang mga biktima na pormal nang naghain ng kasong serious illegal detention at slight illegal detention.
Kasalukuyan na ring bumubuo ng ordinansa ang LGU para ipagbawal ang pagkukulong sa mga pasyente ng ospital.
Nanawagan naman si Mayor Wes Gatchalian sa iba pang biktima ng ganitong kaso na wag mag-atubiling lumapit sa city hall para agad na matulungan. | ulat ni Merry Ann Bastasa