Tiniyak ni Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na hindi magagamit ng Estados Unidos ang mga pasilidad sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sakaling sumiklab ang military conflict sa Taiwan.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations, natanong ni Committee Chairperson Senador Imee Marcos si manalo kung sa ilalim ba ng kasunduan ay pahihintulutan ang US na mag-imbak sa ating teritoryo ng mga armas o anumang kagamitan na magagamit nila sa pagtulong sa gulo sa Taiwan.
Tugon ni Manalo, sakaling mangyari ito ay gagabayan ang ating bansa ng pangunahing layunin ng EDCA at hindi papayagan ng Pilipinas ang anumang aktibidad o materyales na hindi nakasaad sa mga napagkasunduang mga aktibidad.
Giniit ng kalihim, na hindi nakatuon o layong magamit ang EDCA sa anumang aktibidad para sa ibang bansa maliban para sa pakinabang ng Pilipinas.
Binigyang diin ni Manalo, na ang pangunahing foreign policy ng Pilipinas ay ang maging kaibigan sa lahat. | ulat ni Nimfa Asuncion