Nilinaw ng Pamahalaang Lungsod ng Pasay na taliwas sa viral video ngayon na sinasabing pinapasara umano ng lokal na pamahalaan ang paresan ni Deo Jarito Balbuena o mas kilala bilang ‘Diwata’ sa social media.
Hinainan lamang ito ng show cause order ng mga tauhan ng Pasay City Hall para sa mga permit na kailangan nito para magkaroon ng legal na negosyo.
Bilang pagtalima at respeto naman sa batas at awtoridad ng pamahalaang lokal ay nagsadya sa tanggapan ni Mayor Emi si Balbuena para makiusap na bigyan siya ng palugit hangga’t hindi pa naaayos ang iba nitong dokumentasyon at rekisitos sa pagkuha ng business permit.
Dalawang buwang palugit ang ibinagay ng alkalde sa naturang vendor at tuloy din ang operasyon ng Diwata Pares Overload habang inaayos ang mga kulang na rekisitos nito.
Paglilinaw ng Pasay LGU, kusang-loob ang paglapit ni Diwata sa tanggapan ni Rubiano dahil sa kagustuhan nitong maisaayos at maisa-ligal ang pagnenegosyo nito alinsunod sa pamantayan ng lungsod sa kalinisan, kaayusan, at katiwasayan sa pagne-negosyo. | ulat ni Lorenz Tanjoco
📷: Pasay LGU