Pormal na inilunsad ng Department of Tourism (DOT) ang roadmap ng industriya nito para sa Visayas Cluster sa Lungsod ng Iloilo noong April 5, 2024.
Pinangunahan ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco ang paglulunsad, na binigyang-diin sa kanyang talumpati ang pangunahing layunin ng National Tourism Development Plan (NTDP) 2023-2028, na nagsisilbing blueprint ng pambansang pamahalaan para sa pagtatatag ng industriya ng turismo sa Pilipinas na nakaangkla sa kultura, pamana ng mga Pilipino, at pagkakakilanlan sa susunod na limang taon.
Ito rin ay nagsisilbing guidebook ng industriya kung paano maglagay ng mga mekanismo ng pagpapanatili, gayundin upang matiyak na ang industriya ay matatag at globally competitive.
Ang Philippine National Tourism Development Plan o ang “The Plan” ng 2023-2028 ay binuo na may mga input mula sa mga stakeholder mula sa buong bansa kabilang ang DOT, mga tanggapan nito at mga kalakip na ahensya, iba pang tanggapan ng pambansang pamahalaan, iba’t ibang lokal na pamahalaan, mga kinatawan ng pribadong sektor, akademya, at non-government na organisasyon.
Batay sa The Plan, ang layunin ay makapagtrabaho ng 6.3 milyong Pilipino pagsapit ng 2028 na halos bahagi ng 12.9 porsiyento ng kabuuang trabaho sa bansa.
Inaasahang dadami rin ang mga international visitor arrival sa mga susunod na taon na may target na 7.7 milyon ngayong taon, 8.4 milyon sa 2025, 9.3 milyon sa 2026, 10.2 milyon sa 2027, at 11.5 milyon sa 2028.
Ang inaasahang bahagi sa gross domestic product (GDP) ng bansa sa 2028 ay naka-pegged din sa 14.01%. | ulat ni Bing Pabiona, Radyo Pilipinas Iloilo
📷DOT