Tulad ng libreng access sa linya ng koryente at tubig, ang pagkakabit ng broadband connectivity ay hindi dapat magbigay ng dagdag na gastos sa mga internet provider, ayon sa CitizenWatch Philippines, na binigyang-diin ang papel nito sa digital age.
Ipinaliwanag ni Tim Abejo, co-convenor ng CitizenWatch, na ang broadband link ay isa ngayong mahalagang productivity at communications tool na dapat gawing accessible sa lahat ng mamamayan, kaya dapat itong magkaroon ng sapat na space allocation kapwa sa private at public property construction.
“Having internet connection in every workplace, commercial and residential areas should now be a standard amenity, the same way that adequate utility easements are provided for electricity and water services,” sabi ni Abejo.
Kasabay nito ay hinikayat ng CitizenWatch ang Kongreso na bigyang prayoridad ang pag-amyenda sa National Building Code upang tulad ng water at electricity facilities ay maisama agad ang telecommunications at broadband network links sa design stage na lease-free.
Batay sa numero mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa 2023, 65 porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ang wala pa ring access sa internet. Sa datos ng Statista Research Department, 77.81 porsiyento lamang ng Filipino population ang magkakaroon ng internet connection sa 2028.
Ang average broadband internet speed sa Pilipinas ay kasalukuyang ranked 41st sa mundo, ayon sa Telecom Review. Malaking problema pa rin umano ito dahil ang bilis ay kadalasang ‘inconsistent’ at limitado lamang.
Sa kasalukuyan, 767 gusali sa buong bansa ang tinanggap ang zero-lease initiative, kung saan ang Makati City ang may pinakamataas na bilang sa 105, kasunod ang Taguig na may 91, at Quezon City na may 57 sa ilalim ng Globe Telecommunications.
Samantala, ang mga lugar sa North at South Luzon, Visayas, at Mindanao ay hindi pa makasabay sa zero-lease para sa mga gusali upang makatulong sa pagkakaloob ng mas mabilis na internet access.
Pinagtibay naman sa Kamara ang HB 8500 na nag-aamyenda sa NBC. Layon ng batas na isama sa revisions ang may kinalaman sa ICT subalit hindi kasama ang pag-aalis sa pagbabayad ng upa para sa cell towers.