Minaliit lang ng Department of Transportation (DOTr) ang isasagawang tigil pasada ng mga grupong MANIBELA at PISTON ngayong araw bilang kanilang pagtutol pa rin sa pagpapatupad ng PUV Modernization Program.
Ayon kay DOTr Spokesperson at Executive Assistant to the Secretary Jonathan Gesmundo, napatunayan naman na sa mga nakalipas na tigil-pasada na wala itong naging epekto sa mga komyuter.
Sa katunayan aniya, hindi na dapat ito pinag-uusapan pa dahil malinaw naman ang naging pahayag nila Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr at Transportation Sec. Jaime Bautista na panahon na upang ipatupad ang programa.
Mayorya na ani Gesmundo ng mga transport group ang nagpahayag ng suporta sa PUV Modernization kaya’t “unfair” naman aniya para sa mga ito kung madidiskaril ang programa dahil lamang sa pagtutol ng iilan.
Nagbigay na rin ng sapat na panahon ang pamahalaan para makipagdiyalogo sa mga tumututol sa programa kaya’t sa tinigin nila’y sapat na ito para umusad na at i-modernisa ang pampublikong transportasyon.
Nagpatutsada pa si Gesmundo na sa kahit anong usaping may kinalaman sa transportasyon, gagawa at gagawa pa rin ang mga kritiko ng mga hakbang para tutulan ang kanilang mga plano para sa mga Pilipino. | ulat ni Jaymark Dagala