Tiwala si Land Transportation Office (LTO) Chief, Vigor Mendoza II na makukumpleto na ang 3.2 milyong backlog sa plastic cards ng driver’s license sa loob ng 45 araw.
Sinabi ito ni Mendoza nang muli silang nakatanggap ng 600,000 pang piraso ng plastic card na ginagamit sa pag-imprenta ng driver’s license .
Ang delivery aniya ng mga karagdagang plastic card, ay makatutugon sa backlog sa mga plastic-printed driver’s license.
Una nang naihatid noong Marso 25, ang unang isang milyong piraso ng plastic card matapos alisin ng Court of Appeals ang injunction order sa delivery ng natitirang plastic cards mula sa Banner Plastic na binili noong nakaraang taon. | ulat ni Rey Ferrer