Nanawagan si Senador Francis Tolentino sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa Department of Migrant Workers (DMW), na protektahan ang mga Pilipino na nasa Middle East sa gitna ng pag-atake ng Iran sa Israel, sa pamamagitan ng drones at missiles.
Ayon kay Tolentino, kailangan ng mga OFW na nasa Israel ngayon ang agarang aksyon ng ating pamahalaan para matiyak ang kanilang kaligtasan, at agad na mapauwi dito sa Pilipinas kung kinakailangan.
Umaasa ang senador na may nakahandang contingency measures ang DFA at DMW para maprotektahan ang mga OFW sa ganitong mga senaryo.
Kailangan aniyang malaman agad ang bilang ng mga Pilipino sa bawat bansa sa Middle East, timbangin ang panganib na kinakaharap nila kung nasaan man sila at tukuyin ang nararapat na aksyon base sa layo nila sa kaguluhan.
Sa pagtaya ng DFA hanggang nitong 2020, higit dalawang milyon (2,221,448) ang mga Pilipino ang nasa 16 na bansa sa middle east kung saan ang karamihan ay nasa Saudi Arabia (865,121), United Arab Emirates (648,929), Kuwait (241,999), at Qatar (241,109).
Marami ring naitalang mga Pilipino sa Bahrain (55,790); Oman (52,760); Jordan (40,538); Lebanon (33,424); at Israel (29,473). | ulat ni Nimfa Asuncion