Opisyal nang inilunsad ngayong araw ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sa pangunguna ng City Health Department ang programang “Pasig Bakuna, Bata ang Bida!”.
Layon ng programa na mabakunahan ang mga batang edad anim na linggo hanggang 23 buwan para sa catch-up doses at 24 na buwan hanggang 59 na buwan laban sa Polio at iba pang vaccine-preventable diseases.
Sa ceremonial launching na ginanap sa Pasig City Hall Quadrangle, 12 mga bata mula sa Brgy. Sumilang at Brgy. Bagong Katipunan ang binakunahan.
Hinihikayat ng City Health Department ang mga magulang at guardians na pabakunahan na ang kanilang mga anak.
Ayon sa Pasig LGU, libre ang bakuna at isasagawa sa mga pampublikong health centers, paaralan, at iba pang lugar. Magkakaroon din ng house-to-house vaccination.
Noong 2023, nakapagtala ang Pasig LGU ng 116% na Service Coverage para sa Supplemental Immunization Activity. | ulat ni Diane Lear