Nilinaw ng lokal na pamahalaan na bagama’t ipinagbabawal na nila ang electric tricycle (e-trike) at electric bicycle (e-bike) sa pangunahing kalsada ay hindi pa sila nanghuhuli ng mga lumalabag dito.
Paliwanag ng Las Pinas LGU na nasa pagpapaalala muna sila sa publiko sa puntong ito lalo na sa mga dumadaan sa Alabang-Zapote Road.
Layon anila nitong hindi mabigla ang kanilang mga residente lalo pa ngayon na may kasabay na strike.
Matatandaang ngayong araw ang itinakdang panghuhuli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga e-bike at e-trikes na pumapasada sa mga pangunahing kalsada.
Pero giit ng pamahalaang lungsod na nag-isyu na ang MMDA ng regulasyon ukol dito at wala pang lugar sa Las Piñas ang nakasama.
Sa kabila nito ay nilinaw din ng LGU na sakaling maglabas ang MMDA ng panibagong listahan ng mga lugar na ipagbabawal ang e-trike at e-bike, sa loob ng Las Pinas ay agad tatalima at istriktong susundin ito ng lokal na pamahalaan. | ulat ni Lorenz Tanjoco