Para kay Senate Committee on National Defense Chairperson Senador Jinggoy Estrada, hindi tama ang naging panawagan ni Rep. Pantaleon Alvarez sa militar na bawiin na ang suporta para kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ang naging panawagan ni Alvarez ay kaugnay ng hindi nito pagsang-ayon sa nagiging paraan ng paghawak ni Pangulong Marcos sa usapin sa West Philippine Sea.
Pero para kay Estrada, ginagawa ni Pangulong Marcos ang lahat para maprotektahan ang teritoryo ng Pilipinas.
Dapat rin aniyang bigyang atensyon ng Pilipinas ang ating alyansa sa iba pang mga bansa at hindi lang sa China.
Idinagdag pa ng senador, na walang magandang maidudulot kung sa China lang tayo makikipag-usap lalo na’t paulit-ulit ang pambu-bully nila sa ating bansa.
Samantala, bukas rin si Estrada na talakayin sa pinamumunuan niyang Senate Committee on National Defense ang isyu tungkol sa sinasabing naging ‘gentleman’s agreement’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa China, kaugnay ng rehabilitasyon ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Una nang naghain si Senator Risa Hontiveros ng resolusyon para maimbestigahan sa senado ang naturang kasunduan. | ulat ni Nimfa Asuncion